Kinastigo kahapon ni Sen. Loren Legarda ang Department of Finance (DOF) dahil sa umano’y hayagang ‘pambababoy’ na ginawa ng mga ito sa mga senior citizens sa bansa sa pamamagitan ng tangkang pagharang sa isinumite niyang panukalang batas na bigyan ng exemption ang kanilang mga bank savings ng 20-percent tax sa interest income.
“Insulto ito sa ating mga matatanda,” ani Legarda, chairman ng Senate Economic Affairs Committee.
Nagtataka si Legarda kung bakit tutol ang DOF sa kanyang panukala, samantalang ang pag-downgrade sa tax ng dambuhalang kompanya ng sigarilyo na pag-aari pa mismo ng mga banyaga ay inaayunan ng mga ito.
“Bakit? Dahil ba walang pang-lobby ang ating mga senior citizens kaya binabalewala na ang kanilang interes?” sabi pa niya.
Tinutukoy dito ni Legarda ang kontrobersiyal na desisyon ng DOF at Bureau of Internal Revenue na ibaba ang pagpataw ng buwis sa Pall Mall cigarettes na pag-aari ng La Suerte Cigar and Cigarette Factory para sa UK based na British American Tobacco (BAT).
Sa desisyong ito, binaligtad ng DOF ang naunang desisyon ng BIR na patawan ng P26.06 buwis per pakete ang Pall Mall. Sa halip, ginawa itong P6.74 na lamang per kaha ng sigarilyo ng Pall Mall, isang indikasyon na multi-milyon pisong buwis ang tiyak na mawawala sa kabang bayan.
Ang insidenteng ito ay iniimbestigahan na ng Kongreso dahil P56 million ang nawawala sa buwis mula sa 2.9 milyong pakete ng Pall Mall bawat taon.
Sabi ng senadora, nakalulungkot na ang interes ng dayuhan ay napagbibigyan samantalang ang interes ng mga matatanda sa bansa ay binabalewala ng DOF.