Nilinaw kahapon ng Palasyo ng Malacanang na hindi na maaaring bawiin ang ibinigay na executive clemency ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay dating Pangulong Erap Estrada.
Ito ang binigyang-diin kahapon ni Chief Presidential Legal Counsel Sergio Apostol kaugnay sa ginagawang paglaban daw ni Erap sa forfeiture ng kanyang ari-arian sa pamamagitan ni Sandigan bayan Sheriff Ed Urieta.
Sinabi ni Sec. Apostol, hindi conditional pardon ang ibinigay ni Pangulong Arroyo kay Erap kung saan ay puwedeng bawiin kung hindi siya makakatupad sa mga kondisyong nakapaloob sa pardon.
“What was given to Erap was not a conditional pardon where there could be conditions imposed and if Erap failed to comply it could be revoked but what was granted to him is a different,” wika pa ni Apostol.
Kung inaakala naman ng mga abugado ni Erap na labas sa kautusan ng anti-graft court ang ginagawang forfeiture sa kanyang ari-arian ay puwede naman nilang kuwestyunin ito sa Korte Suprema.
Itinanggi din ng Palace officials na ginigipit nila si Erap dahil sa nagiging kritikal na umano ito kay Mrs. Arroyo matapos itong mabigyan ng presidential pardon. (Rudy Andal)