Tatlong hinihinalang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf na sangkot umano sa pambobomba sa Batasan Pambansa ang napatay sa isang raid ng pulisya sa safehouse ng grupo sa Payatas, Quezon City kahapon.
Ayon kay Army spokesman Lt. Col. Ernesto Torres, dakong 4:20 ng hapon ng lusubin ng pinagsanib na elemento ng Army’s Intelligence Security Group (ISG), elite PNP-Special Action Forces at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kuta ng mga bandido sa Sitio Violago, Payatas.
“The raid is related. They are suspects. The initial report is that there are indications that the raid had something to do with it,” ani Torres nang matanong kung may kinalaman ang raid sa pagsabog sa Kamara na kumitil ng buhay ni Basilan Rep. Wahab Akbar.
Kinilala naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Geary Barias ang mga napatay na sina Abu Jandal, Redwan Idaham at ang asawa nitong si Saing.
Isang pulis na si PO3 Roland Baucas ang nasugatan sa barilan na tumagal ng limang minuto. Tatlo pa sa mga suspek ang naaresto na pawang mga sugatan din na kinilalang sina Khaidar Awnal, Ikram Indama at Adham Kusain.
Nasamsam mula sa bangkay ng mga napaslang na bandido ang dalawang kalibre .45 pistol. Nakarekober naman mula sa bahay na sinalakay ang isang deed of sale ng motorsiklo, car plate na may #8, at ID, t-shirt at isang itim na jacket na pawang may logo ng House of Representatives.
Samantala, sinabi ni Barias na nag-match sa narekober na deed of sale ang chassis number at bar code mula sa motorsiklong pinagkabitan ng sumambulat na bomba sa blast site habang ang itim na jacket ay hawig sa jacket na suot ng dalawang lalaki na sakay ng magkahiwalay na motorsiklo na mabilis na tumakbo matapos ang pagsabog sa Kamara.
Sinabi naman ni NCRPO Spokesman Sr. Supt. Rhodel Sermonia na ang raid ay isinagawa base sa warrant of arrest na ipinalabas ng korte kaugnay ng pagkakasangkot sa kidnap-for-ransom ng mga suspek sa Basilan.
Ang lugar kung saan nasakote ang mga suspect ay may ilang kilometro lamang mula sa Batasan Complex.
Nabatid sa mga opisyal na nakatanggap sila ng intelligence report na sa nasabing lugar nagsisipagtago ang diumano’y grupo ng Abu Sayyaf na hinihinalang sangkot sa pambobomba sa Batasan Pambansa. Ang Abu Sayyaf ay sinasabing may sleeper cell sa Metro Manila na target ng operasyon ng militar at ng pulisya.
Reward, P7-M na
Umaabot na sa P7 milyon ang reward para sa sinumang makapagtuturo sa mga responsable sa pambobomba sa Batasan Pambansa noong Martes ng gabi.
Maliban sa P5 milyong pabuya na ipinalabas ni Pangulong Arroyo ay nagbigay din si Quezon City Rep. Mary Ann Susano ng P2 milyon mula naman sa sarili nitong bulsa para sa mabilis na pagtukoy sa mga salarin.
Samantala, bumuo na ng komite si House Speaker Jose de Venecia Jr., para i-ayos at itaas ang antas ng security measures sa Kamara.
Ang Tiangge o pamilihan na dating ginagawa kapag sumasapit ang kapaskuhan ay ipinasara na. Hindi na rin basta-basta makakalapit sa South Lounge na lugar na kinakainan at pinapahingahan ng mga kongresista. (May ulat ni Butch Quejada)