Anumang araw sa mga susunod na linggo ay sisimulan na ng mga militanteng grupo ng transportasyon ang isang nationwide “transport holiday” bunsod ng walang humpay na pag taas sa presyo ng langis at sa kawalan umano ng aksiyon ng gobyerno ukol dito.
Ayon kay George San Mateo, secretary general ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), nag-uusap na ang mga asosasyon ng transportasyon sa buong bansa na nakatakdang magsanib para sa isasa gawa nilang malawakang kilos-protesta.
Nabatid na isang araw na hindi papasada ang mga pampublikong sasakyan at itataon nila ito sa mga araw na may pasok sa eskwelahan at mga tanggapan.
Humihingi na rin ng dispensa sa publiko partikular na sa mga commuters ang transport groups sa magiging perwisyo ng kanilang gagawin dahil ito lamang umano ang tanging alam nila na paraan para iparamdam sa gobyerno ang kanilang mga hinaing.
Pangunahing tinutuligsa ng Piston ang pag-amin ng pamahalaan na wala silang magawa sa patuloy na paglobo ng presyo ng langis na nakatakdang umakyat pa ng P4 bago magtapos ang taon at magpapatuloy pa sa 2008.
Sa kabila ng mataas na presyo ng langis, nanana tiling mataas pa rin ang presyo ng mga spare parts ng mga sasakyan habang napakababa ng ibinibigay na diskuwento ng mga gas station sa mga pampublikong jeep.
Sinabi pa ni San Mateo na patuloy umanong nagbibingi-bingihan si Pangulong Arroyo sa kanilang panawagan at apela na ibasura ang Oil Deregulation Law at i-kontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Dapat din umanong idaan muna sa public hearings at isangguni sa publiko bago ang anumang hakbang sa pagtataas ng presyo nito.
Ayon kay Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) president Efren De Luna, dagdag pa sa kanilang paghihirap ang patuloy na pagpigil sa pagbibigay ng prangkisa sa mga jeep, matataas na bayarin sa Land Transportation Office (LTO) at hindi masawatang pangongotong ng mga traffic enforcers sa kalsada.
Napag-alaman pa na hindi lamang transport groups, drivers at operators ang kanilang hinihimok ngayon na makiisa sa ikakasang nationwide strike kundi pati na rin ang mga mamamayan.
Kamakawala ng gabi ay muli na namang itinaas ng mga kompanya ng langis ang presyo ng produktong petrolyo dahil umano sa pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.