Ginastos ng kandidato pinasusumite ng Comelec

Pinagsusumite ng Comelec ng “statement of contributions and expenditures” ang mga kuman­didato sa Barangay at Sangguniang Kabataan, nanalo o natalo man ang mga ito sa katatapos na eleksiyon.

Ayon kay Comelec Spokesman James Arthur Jimenez, itinakda ng komis­yon ang paghahain ng na­sabing report ng mga na­ging election contribution at expenditures ng mga kandi­dato simula kahapon  (Okt. 30) hang­gang sa Nobyem­bre 28. Maaaring isumite ito sa mga elections officer na nakakasakop sa kanilang lugar.

Nilinaw ni Jimenez na na­nalo man o natalo ang kandidato sa nakalipas na  halalan kamakalawa ay kinakailangang magsu­mite ang mga ito ng ka­nilang  buo, tunay at “itemized” na statement ng naging kontri­busyon at mga  pinagka­gastusan sa Comelec.

Aalamin ng Comelec kung ang mga kuman­didato ay sumunod sa kanilang regulasyon.

Una nang inihayag ng Comelec na bawat kandi­dato ay dapat na gumas­tos  lamang ng P3 sa ba­wat rehistradong kandi­dato sa kanilang ba­rangay.

Giit ni Jimenez, pag­mu­mul­tahin at paruru­sahan ang sinuman na  mabibi­gong magsumite ng kani­lang statement of contributions and expenditures ngunit mas ma­giging ma­hig­pit umano ang parusa sa mga nana­long kandidato dahil hindi makakaupo ang mga ito sa kanilang pwesto.

Alinsunod sa Comelec en banc Resolution 8320, lahat ng kandidato ay  dapat na magsumite ng kanilang report sa kani­lang election officers na siya namang magsusu­mite ng duplicate copy nito sa Comelec main office sa  Intramuros, May­nila sa huling araw ng pag­hahain ng report.

Kinakailangan uma­nong ang ulat ay supor­tado ng mga resibo at iba pang  dokumento na pina­num­paan ng kandidato. (Doris Franche)

Show comments