Matapos ang kontrobersiyal na pagpapalaya kay dating Pangulong Joseph Estrada, bukas na rin ang Malacañang sa posibilidad na pagbibigay ng pardon sa mga sundalong nahatulan dahil sa pagpaslang kay dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye na handa ang gobyerno na pag-aralan ang posibilidad na pagpapalaya rin sa mga sundalong nasangkot at nahatulan ng hukuman.
Ayon kay Bunye, ikokonsidera pa rin ang edad ng mga nakakulong na sundalo na general rule sa pagbibigay ng pardon.
May 13 sundalo na mahigit 70 anyos na ang nananatiling nakakulong at patuloy na sinisilbi ang kanilang double life sentence sa maximum security compound ng New Bilibid Prisons (NBP).
Sila’y kinilalang sina Ramon Bautista, Pablo Martinez, Rodolfo Desolong, Ernesto Marco, Rolando de Guzman, Ruben Mapano, Rogelio Moreno, Jesus Castro, Filimeno Miranda, Claro Bat, Arnulfo Artates, Arnulfo de Mesa, Felizardo Taran at Mario Lazaga.
Karamihan sa mga akusado ay may malubhang sakit at kuwalipikadong mabigyan ng Presidential pardon.
Ang pang-14 sundalo na si Cordova Estello ay namatay na matapos mapatay sa loob ng selda noong Disyembre 2005 dahil sa pakikipag-rambol umano sa kapwa preso.
Noong nakaraang taon sa pamamagitan ng gru pong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ay humiling ang mga sundalo kay Pangulong Arroyo na pagkalooban sila ng Presidential pardon dahil sila’y matatanda na at mahihina na.
Una nang inihayag ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na hindi sila pabor sa pagbibigay ng pardon sa mga sundalo dahil hindi pa rin inaamin ng mga ito ang kanilang ginawa.
Naniniwala si Noynoy na imposibleng walang kinalaman ang mga sundalo dahil malinaw na “scripted” ang nangyaring pagpaslang sa kanyang ama.