Walang anumang kapalit na deal sa pamahalaan ang ipinagkaloob na presidential pardon ni Pangulong Arroyo kay Estrada.
Ito ang nilinaw kahapon ni DILG Secretary Ronaldo Puno sa isang ambush interview bago sumakay ng chopper bandang alas–3 ng hapon para isilbi ang ‘signed pardoned paper’ para kay Erap sa Tanay, Rizal.
Si Puno ay sinamahan ni Interior Assistant Secretary Brian Yamsuan at Chief Supt. Romeo Hilomen ng Police Security and Protection Office (PSPO).
Naiyak si Puno at Estrada habang pinipirmahan ni Erap ang mga dokumento ng executive clemency.
Unang nilagdaan ni Estrada ang kopya ng executive clemency at saka ito dinala sa Sandiganbayan. Ang Sandiganbayan ang gumawa ng release order makaraang isagawa ang isang meeting sa panig ng depensa at prosekusyon hinggil sa pagresolba sa mga usaping may kinalaman sa pagkumpiska sa umano’y mga nakaw na yaman ni Estrada.
Ganap na alas 5:30 ng hapon ng ganap nang nakalaya si Estrada mula sa Tanay. Dumiretso ito sa San Juan City Hall kung saan siya nagsalita sa harap ng libu-libong taga suporta.
Alas-8 na kagabi ng puntahan niya sa San Juan Medical Center si Doña Mary.
Sinabi ni Puno na wala siyang nakikitang ‘worst case scenario’ na posibleng idulot ng pagpapalaya kay Estrada taliwas sa mga inilulutang na pangamba ng mga sumasalungat sa naging desisyon ni Pangulong Arroyo.
Tiniyak naman ni PNP Chief Director Gen. Avelino Razon Jr. na mananatili ang 10 security escorts ni Erap para bantayan ang seguridad ng dating Pangulo.
Ang mga security escorts ay sasagutin ng PSPO ng Camp Crame. (Joy Cantos/Edwin Balasa/Angie dela Cruz)