Iginiit kahapon ni Senate Majority Leader Francis “Kiko” Pangilinan na dapat magkaroon ng transparency sa pagpili sa susunod na Chairman ng Commission on Election (COMELEC), upang maibalik ang kredibilidad at pagtitiwala ng taumbayan.
Sinabi ni Pangilinan, na dapat na makibahagi sa pagpili at bigyan ng pagkakataon ang mga Watchdog na makibahagi sa pagpili ng mamumuno ng Comelec.
Tinutukoy ng senador ang mga grupo na nagbabantay tuwing halalan upang magkaroon ng isang malinis na eleksyon, tulad ng NAMFREL, PPCRV, LENTE at iba pa.
Sa mga lumalabas na report, ibinunyag ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento na sina dating Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Joey Lina, Election Lawyer Romeo Macalintal at Dean Amado Valdez ang mga posibleng kandidatong papalit kay dating Comelec Chairman Benjamin Abalos.
Inaasahang magtatalaga ng panibagong Chairman ng Comelec at tatlong Commissioners si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bago ang pagreretiro nina Commissioners Resureccion Borra at Florentino Tuazon sa darating na February 8, 2008.
Hindi rin sang-ayon si Pangilinan na i-appoint na lamang ng Pangulo ang susunod na liderato ng Comelec, dahil dapat na mabigyan ng pagkakataon na makibahagi ang mga watchdog sa pagpili at pagtatalaga ng mga commissioners at susunod na chairman ng Comelec. (Malou Escudero)