Pinabulaanan kahapon ni Acting Commission on Election (COMELEC) Chairman Resurrecion Borra na may desisyon na ang komisyon hinggil sa kung sino ang uupong party-list representative ng ALAGAD.
Ayon kay Borra, nasa en-banc pa ang usapin ng ALAGAD at nasa proseso pa sila ng deliberasyon sa merito ng kaso na posibleng maipapalabas ang kanilang magiging desisyon sa katapusan ng buwan ng Oktubre.
Hindi rin aniya totoo ang ilang lumulutang na impormasyon na nagkaroon na ng botohan ang mga Commissioners ng COMELEC at kapwa nakakuha ng tig-dalawang boto sina incumbent Rep. Rodante Marcoleta at Diogenes Osabel at ang boto na lamang ni Borra ang hinihintay.
Ang ALAGAD ay isa sa mga party-list na nakakuha ng isang “congressional seat” nitong nakalipas na May 14, 2007 election ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nakakaupo si incumbent Rep. Marcoleta dahil patuloy pang sumisingit si Osabel.
Si Osabel ay sinasabing dating pangulo ng ALAGAD pero pinatalsik sa puwesto noong Enero 24, 2004 ng National Council and Executive Committee dahil umano sa alegasyong katiwalian.
Inihayag pa ni Borra na kahit sino pang grupo o indibidwal tulad ng Black and White Movement ang nasa likod o sa harap pa ni Osabel ay walang pakialam ang COMELEC dahil ang tinitingnan umano nilang mabuti ay ang merito ng kaso. (Mer Layson)