Mistulang nalipat ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Mendiola sa dami ng mga kongresistang nagpunta sa Malacañang para makipag-almusal kay Pangulong Arroyo, kahapon ng umaga.
Pero agad nilinaw ni Ilocos Norte Rep. Roquito Ablan na hindi loyalty check ang naganap sa Palasyo kundi para siguruhin lamang na matatapos nila sa tamang oras ang 2008 proposed national budget gayundin ang legislative agenda ng Pangulo.
May 189 kongresistang miyembro ng Lakas-NUCD at KAMPI ang nagtungo sa Palasyo upang makipagpulong sa Pangulo.
Inamin naman ni Speaker Jose de Venecia na tinalakay nila ang impeachment sa gitna ng almusal, pero agad klinaro na hindi sila dinidiktahan ng Pangulo kung anong gagawin sa reklamong inihain ni Atty. Roel Pulido.
Magugunita na kamakalawa ay nakipagpulong din ang mga kongresista sa Pangulo na wala naman sa schedule ni Mrs. Arroyo pero itinanggi na may kinalaman ito sa inihaing ikatlong impeachment complaint laban sa Chief Executive. (Rudy Andal)