Tumanggi muna si House Speaker Jose de Venecia na isulong ang impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo kaugnay sa lumutang na “suhulan” isyu kaya ito muna ang iimbestigahan ng Kamara.
Ayon kay de Venecia, hindi muna niya ni-refer sa House justice committee ang impeachment complaint na inihain ni Atty. Roel Pulido na inendorso naman ni Laguna Rep. Edgar San Luis dahil hihintayin muna nila ang resulta ng imbestigasyon.
Maging ang nag-en dorso ng impeachment complaint na si Rep. San Luis ay nakatakda ring gisahin ng ethics committee sa pagpapatuloy ng sesyon ng Kamara sa Nobyembre.
Binigyan ni JDV ng dalawang linggo ang komite para mag-imbestiga at may 10 araw naman ito para isulong ang impeachment complaint. Gagamiting batayan ang pagsisiwalat ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran na tinangka siyang alukin ng P2 milyong suhol umano ni Atty. Francis Ver, deputy secretary-general ng Kabalikat ng Malayang Pilipino (KAMPI) para suportahan ang inihaing impeachment complaint kay Mrs. Arroyo.
Iginiit naman ni San Luis na bagama’t 3-pahina lamang ang reklamo ni Atty. Pulido ay inendorso niya ito upang malaman ang katotohanan sa akusasyon laban kay GMA ukol sa National Broadband Network-ZTE deal.
Wika pa ni San Luis, konsensiya na lamang ng mga kongresista ang dapat nilang pairalin kung nais nilang malaman ang katotohanan sa akusas yon laban sa Pangulo. (Butch Quejada/Rudy Andal)