Kinatigan ng Supreme Court ang Manila Regional Trial Court na naunang nag-utos sa Malakanyang na isoli sa isang pribadong indibidwal na si Tarcila Laperal Mendoza ang lupa nitong kasalukuyang kinatatayuan ng presidential guest house sa 1440 Arlegui St., Manila.
Inatasan din ng Korte ang pamahalaan na bayaran si Mendoza ng P8 milyon bilang bayad o renta sa paggamit ng kanyang lupa.
Inireklamo ni Mendoza sa korte na sapilitang kinamkam ng pamahalaan ang kaniyang bahay at lupa nang gamitin ang isang pekeng deed of sale kaya’t napilitan siyang habulin ito sa pamamagitan ng korte. Sinimulan anyang okupahan ng pamahalaan ang kanyang lote noong Hulyo 15, 1975 na panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Gayunman, pinaalalahanan din ng Mataas na Hukuman ang Malakanyang na bilisan ang paglalaan ng pondo na pambayad kay Mendoza dahil mahigit 90 taong gulang na ito. (Ludy Bermudo)