Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na hindi mababalewala ang isinasagawa nilang pag hahanda para sa nakatakdang halalan sa darating na Oktubre 29 sakaling matuloy ang panukalang ipagpaliban ito sa susunod na taon.
Ayon kay Comelec Com missioner Florentino Tuason, maaari pa rin namang gamitin sa susunod na halalan ang mga election paraphernalia na naipa-imprenta na nila.
Aniya, hindi naman naka-imprenta sa mga balota ang pangalan ng mga kandidato kaya pwede pa itong mapakinabangan ng Comelec sa ibang eleksyon sakaling maudlot ang nakatakdang halalan.
Gayunman, sinabi rin ni Tuason na nakakahinayang ang kanilang mga pagha handa kung hindi naman ito matutuloy.
Pero aniya, sakaling matuloy ang pagharang sa eleksyon, may mabuti rin umano itong maidudulot kahit papaano dahil mapapahaba pa ang kanilang paghahanda.
Ayon kay Tuason, wala naman sanang magiging problema sa kanila kung ipagpapaliban ang naturang eleksyon kung noon pa ay natalakay na ito.
Noong mga nakaraang buwan aniya ay nagkakaisa ang mga opisyal ng Comelec na pumayag na sa postponement ng halalan lalo pa at katatapos nga lang ng 2007 national elections. Gayunman, sa mga panahong ito aniya ay kumpleto na halos ang kanilang preparasyon. (Doris Franche)