Nagdeklara ng unofficial “Suspension of Military Operation” (SOMO) laban sa mga rebeldeng grupo partikular na sa New People’s Army (NPA) ang Philippine Army upang personal na panoorin ang rematch nina Manny “Pacman “ Pacquiao at Mexican boxer Marco Antonio Barrera sa Mandalay Bay Resort Hotel and Casino sa Las Vegas ngayong araw (Sabado ng gabi sa Amerika).
Ayon kay Army spokesman Lt. Col. Ernesto Torres Jr., naglagay sila ng giant screen sa Army gym para opisyal at libreng mapanood ng mga sundalo at kanilang pamilya ang Pacman-Barrera fight umpisa alas–8 ngayong umaga.
“ We are also expecting that the NPA will also watch the fight, bababa sila sa bundok,” ani Torres.
Nilinaw naman ni Torres na sa mga sundalong nasa ‘battle field ‘ o yaong nasa frontlines ay nakaalerto ang mga ito at patuloy na tumutugis sa mga rebelde.
Sinabi pa ni Torres na si Pacman ay isang Reserve Army Sgt. kaya bigay todo ang suporta rito ng Phil. Army at inaasahan nilang muling mapapatumba ng Pambansang Kamao si Barrera na minsan na niyang tinalo noong Nob. 15, 2003.
Una nang inihayag ni Barrera na matapos ang laban niya kay Pacman ay magreretiro na siya habang determinado namang muling i-knockout ni Pacquiao si Barrera. (Joy Cantos)