JI bumanat! Bata patay, 36 sugatan

Isang bata ang nama­tay at 36 pa ang sugatan nang taniman ng bomba ng isang local recruit ng Jemaah Islamiyah (JI) terrorist group ang isang barbecue stand na tinatam­bayan ng mga estudyante sa Kidapa­wan City, Cota­bato alas-7:10 ng gabi nitong Biyer­nes. 

Ilang minuto ang lumi­pas, isa pang pagsabog ang sumabulat na itinanim rin sa tabi ng isang sa­sakyan sa harap ng Imperial Appliance Plaza. 

Kinilala ang nasawi na si Honey Mae Lozada, 10, ng Barangay Mateo, Kida­pawan City. Sugatan rin ang kanyang 3-anyos na kapatid na lalaki.

Isinugod naman sa apat na ospital sa lungsod  ang mga sugatan. 

Agad ding natukoy ng Philippine National Police (PNP) na JI terrorist ang utak ng pambobomba sa pagkakasakote sa na­arestong bomb expert na si George German, 27 anyos na itinuro ng ilang testigo na siyang nag-iwan ng sumabog na 60 millimeter  improvised explosive device.

Lumilitaw na si German ay lokal na recruit ng JI na naatasang magsa­gawa ng test mission sa pamamagitan ng pambo­bomba.

Personal namang nag­­tungo kahapon sa Kida­pawan City si PNP Chief Director Gen. Ave­lino Ra­zon para inspek­syunin ang lugar na pi­nang­yarihan ng pagsa­bog. 

Inalerto na ni Razon ang puwersa ng pulisya sa buong bansa na ma­higpit na magbantay sa posible pang pagha­hasik ng terorismo ng JI terrorist.

“Nagbilin tayo na ma­susing imbestigahan ang nangyari at mag-implement ng strict measures to prevent the occurrence of the incident sa ibang lugar, di lang sa Mindanao kundi in all regions,” ani Razon.  

Magugunita na nitong Hunyo ay nagbabala ang US Embassy sa mga ma­mamayan nito na iwasan munang magtu­ngo sa Ki­dapawan City at Makilala, Cotabato sa Central Min­danao mata­pos na maka­tanggap ng intelligence report na may balak ang mga terorista na magpasabog ng bom­ba sa public market at mga bus terminal.

Nito lang Enero, dala­wang bystander ang na­sugatan matapos pasa­bugin ang isang bomba sa police outpost ng Kida­pawan City. 

Noong Oktubre 2006 naman ay nagkaroon rin ng pambobomba sa Ma­kilala, Cotabato na ikina­sawi ng walo katao ha­bang 22 ang nasugatan.

Show comments