Isinampa kahapon ni Iloilo Vice Governor Rolex Suplico sa House of Representatives ang impeachment complaint laban kay Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos dahil sa pagkakasangkot nito sa anomalya sa $329.48 milyong national broadband network contract ng pamahalaan sa ZTE Corp. ng China.
Sa reklamo, inakusahan si Abalos ng pagtatakwil sa tiwala ng publiko, paglabag sa Konstitusyon, panunuhol at katiwalian.
Inindorso naman ng mga kongresistang sina Teofisto Guingona III, Teodoro Casino at Ma. Isabelle Climaco ang naturang impeachment complaint.
Kabilang sa nilalaman ng reklamo ni Suplico ang sinumpaang salaysay nina dating NEDA director Romulo Neri at Jose “Joey” de Venecia III ng Amsterdam Holdings Inc.
Sinabi naman ni Casino na inindorso niya ang complaint dahil sufficient in form and substance ito.
Ayon pa kay Casino, magsisilbing prima facie evidence laban kay Abalos ang mga natuklasan sa imbestigasyon ng Senado sa NBN project. (Butch Quejada)