Sinalakay kahapon ng mga operatiba ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang malaking warehouse sa Tondo, Maynila na nakumpiskahan ng P100 milyong halaga ng kontrabando o smuggled goods.
Sinabi kahapon ni PASG Undersecretary Antonio “Bebot” A. Villar Jr., na mahigit isang buwan nilang tiniktikan ang bodega ng Ran Property and Management na matatagpuan sa panulukan ng A. Rivera at Bambang Sts., gamit ang Warrant of Seizure and Detention (WSD).
Sinasabing naglalaman ng mga smuggled goods ang mga bodega kaya binigyan umano muna ng 72 oras ni Villar ang may-ari nito na magpakita ng kaukulang dokumento subalit bigo ang mga ito.
Nasamsam ang mga kemikal, agricultural product, electronic items, toys, DVD players, tsinelas, RTW, hardwares at personal na gamit gaya ng tuwalya at kumot.
Sinabi ni Villar na ang kontrabando ay walang available bill na naka-paste, packing list, corresponding entries, gate pass at customs official receipts na madalas na nakikita sa kahit na anumang shipment ng mga goods para maikunsiderang legally imported.
Nabatid na may inimbitahan ang PASG na 22 Chinese nationals na naroon at nangangasiwa sa bodega. Ang mga ito ay wala ring maipakitang legal na dokumento kaugnay sa travel documents. (Ludy Bermudo)