Dahil sa lumalalang problema sa basura, iginiit kahapon ni Senate President Manuel Villar Jr., na ipatupad sa buong bansa ang recycling upang makatulong na mabawasan ang pagbara nito sa mga kanal na siyang nagdudulot naman ng malawakang pagbaha.
Sinabi ni Villar na dapat ipatupad ito sa mga paaralan at ang mga mag-aaral naman ang magpapaliwanag sa kanilang mga tahanan at pamayanan hinggil sa pag-recycle ng mga itinatapong gamit na puwede pang pakinabangan.
Isinisisi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga basura na karaniwan ay mga plastik na nakabara sa mga kanal na nagdudulot ng malawakang pagbaha tuwing tag-ulan.
Sa kanyang Senate Bill 19 o “An act requiring the recycling and utilization of recycled materials by educational institution” ay aatasan ang mga paaralan na gumamit ng mga papel o 15% recycled materials sa kanilang mga school projects.
Ang DENR naman ang magtuturo sa mga paraan ng pag-recycle kung saan tutukuyin nila ang paghihiwalay ng mga pwedeng i-recycle at hindi pwede, pamamaraan ng pagtunaw nito, paglagay ng local na drop-off point at pangangasiwa sa kampanya ukol dito. (Malou Escudero)