Muling bubuhayin ng Senado ang kontrobersiyal na “Hello Garci” scandal matapos personal na aminin kahapon ni dating Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP) T/Sgt. Vidal Doble sa isang taped interview na pinanood sa plenaryo ng Senado na siya ang responsable sa pagwa-wiretap kay dating Commission on Elections Commissioner Virgilio Garcillano at iba pang personalidad kasama na si dating Sec. Michael Defensor.
Sa privilege speech na isinagawa ni Sen. Panfilo Lacson, iprinisinta nito ang pahayag ni Doble sa pamamagitan ng audio visual presentation kung saan idinetalye nito ang pinawang paniniktik sa mga kilalang personalidad gamit ang Nokia 3600.
Tinawag umano ang proyekto na “project lighthouse” kung saan kasama sa kanilang mga natiktikan maliban pa kay Garcillano at Pangulong Gloria Arroyo sina Defensor, Sen. Gregorio Honasan, Rex Cortez, at maging mga miyembro ng Magdalo kasama na ang kasalukuyang senador na si Antonio Trillanes, Capts. Rafael Faeldon, Nilo Maestrocampo at Capt. Gerardo Gambala at dating Agrarian Reform Sec. Horacio “Boy” Morales.
Ayon pa kay Doble, hinati sa apat ang kanilang grupo at naging immediate boss nito si Capt. Frederrick Rebong.
Pinangalan din ni Doble sina Capt. Paul Somayo, Capt.Lindsay Rex Sagge, MSgt. Alex Villedo at T/Sgt Ariel Patete ng Philippine Air Force na sangkot sa paniniktik.
Inamin ni Doble na siya mismo ang nagbigay ng kopya ng tape sa isang nagngangalang Lito Santiago na tauhan ni dating NBI deputy director Sammy Ong na nagbunyag sa media tungkol sa nasabing Hello Garci tape conversation.
Ikinuwento pa ni Doble na kasama siya ni Ong sa nasabing ‘press conference’ ngunit sinundo umano siya ni Bishop Socrates Villegas sa San Carlos Seminary at tumuloy sa ‘quarters’ ni dating AFP chief of staff Gen. Efren Abu sa Camp Aguinaldo.
Napilitang hindi magsalita noong mga oras na iyon si Doble dahil hawak umano nina Abu ang kanyang asawa’t anak na noo’y ‘nakakulong’ sa basement ng quarters ni Abu.
Ang kanyang pamilya ay nasa custody ng ISAFP simula noong June 2005 hanggang April 2006, samantalang siya naman ay hawak ng ISAFP mula June 2005 hanggang sa ma-discharge noong February 2007.
Pagbibigay diin ni Doble, kaya siya nagsalita ngayon dahil ang nakalipas na 2004 presidneital elections ay wala pa ring ipinagkaiba sa nakalipas na 2007 senatorial at local elections na punung-puno ng dayaan.
Dahil dito, isang imbestigasyon ang nakaumang muli sa Senado at bukod sa mga pangalang nabanggit, nais ni Senador Francis Escudero na ipatawag din ang mga opisyales ng telecomunication companies.