Iniutos kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Department of Energy at Department of Education ang pagsasagawa ng “humanitarian offensive” sa Basilan at Sulu na kasalukuyang pinangyayarihan ng bakbakan ng puwersa ng Armed Forces of the Philippines at ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Sa utos ng Pangulo, tutulungan ng DoE at DepEd ang mga sibilyang naapektuhan ng kaguluhan sa Basilan at Sulu.
Kaugnay nito, itatayo ng dalawang departamento ang mga solar-powered science laboratories para sa mga estudyante sa liblib na mga lugar sa dalawang lalawigan.
Sinabi pa ng Pangulo na dapat magpatuloy pa rin sa pag-aaral at pagsasaliksik ang mga estudyante katulad ng pagtatayo ng solar-powered science laboratories sa kabila ng nangyayaring military operations sa Sulu at Basilan.
Samantala, hinarangan na ng militar ang mga daanan papasok at palabas ng Basilan, ayon kay AFP-Task Force Thunder Commander at Western Mindanao Command Deputy Chief Brig. Gen. Juancho Sabban, para hindi makatakas ang mga bandido palabas ng lalawigan.
Sinabi ni Sabban na binomba ng tropa ng mga sundalo ang mga hinihinalang pinagkukutaan ng Abu Sayyaf habang patuloy rin ang pagtugis sa mga bandido.
Naka-full alert naman ang Philippine National Police laban sa posibleng pagsalakay ng mga rebeldeng grupo na nakikisimpatya sa Abu Sayyaf.
Napaulat din na namatay na ang isang sub-commander ng Moro Islamic Liberation Front na si Nuridim Mudalam alyas Commander Nor na nasugatan sa isa sa pakikipaglaban sa militar sa Basilan kamakailan.
Sa hiwalay na ulat, nakatakas ang grupo ng isang Abu Sayyaf Commander na si Gaffur Jumdail nang salakayin ng mga sundalo ang kanilang kampo sa Lapah, Maimbung, Sulu kamakalawa. Si Jumdail ay kapatid ni Umbra Jumdail alyas Commander Doc Abu Pula na may patong sa ulo na P5 milyon.