Pinagalitan ng mahistrado ng Court of Appeals ang military matapos na mabigong dumalo ang mga opisyal nito sa pagdinig kahapon sa habeas corpus petition para sa nawawalang aktibistang si Jonas Burgos.
Pinuna ni Associate Justice Remedios Fernando ang kabiguan ni Armed Forces of the Philippines provost marshall Col. Arthur Abadilla na makadalo sa pagdinig gayong siya mismo ay namangka pa sa Pampanga para lang makapunta sa CA.
Iginiit naman ni Assistant Solicitor General Amparo Tang na sinusunod lang ng AFP ang isang memorandum na nagbabawal sa paglalabas ng mga classified information bukod sa, kahit nakarating si Abadilla, wala itong maipapakitang report sa imbestigasyon sa pagkawala ni Burgos dahil hawak ng Department of National Defense ang dokumento.
Sinabi naman ng ina ni Burgos na si Editha na mistulang hindi nirerespeto ng AFP ang kapangyarihan ng CA na nag-aatas sa kanilang isumite ang report upang mabatid ang mga detalye sa isinagawang imbestigasyon ng military. (Gemma Amargo-Garcia)