Amnestiya kay Erap et. al.  ibinasura

Ibinasura ng Mala­cañang ang panukala ni House Speaker Jose de Venecia na bigyan ng amenstiya ang lahat ng itinuturing na ka­away ng estado.

Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, ipinauubaya ni Pangulong Gloria Ma­capagal-Arroyo sa mga korte ang pagdede­sisyon sa mga kaso ng mga itinuturing ni de Venecia na “enemies of the state.”

Ginawa ni Bunye ang paglilinaw kaug­nay sa plano ni de Venecia na maghain ng panukalang batas na magbibigay ng amnestiya sa lahat ng “enemies of the state” kabilang si dating Pa­ngulong Joseph Estra­da at ang rebeldeng sundalo na naging senador na si Antonio Trillanes IV.

Sa Kongreso,  si­nabi ni Cebu Rep. Antonio Cuenco   na hindi  dapat batikusin ng publiko ang mungkahi ni de Venecia dahil legal at naaayon sa ba­tas ang pagbibigay ng kapatawaran sa mga taong nagkasala sa pamahalaan. Sa Senado, nagpa­hayag ng paniniwala si Sen. Francis Escudero na pinaghahandaan na ng Malacañang ang nalalapit na “guilty verdict” kay Estrada kaya biglang isinulong sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso ang “Amnesty Bill” upang big­yang pag-asa at paya­pain ang mga loyalista ng dating Pa­ngulo.

Sinabi ni Escudero na malaki ang posibi­li­dad na may kaug­nayan ang panukalang pagbi­bi­gay ng amnes­tiya para sa mga ti­natawag na enemy of the state sa ilala­bas na sen­tensiya laban kay Es­trada. (Rudy Andal, Butch Quejada at Malou Escudero)

Show comments