Nakiusap si Davao Oriental Rep. Thelma Almario sa mga bansa, World Bank at sa lahat ng negosyante na huwag tanggalin o itigil ang paglalagak ng puhunan sa rehiyon dahil sa epektong idudulot nito sa kaunlaran at sa kampanya laban sa kahirapan sa rehiyon.
Ginawa ni Rep. Almario ang apela kasunod ng pahayag ng mga embahador ng Canada, Japan at maging ng mga opisyal ng WB na ititigil ng mga ito ang ibinibigay na ayuda o tulong sa Mindanao sakaling sumiklab ang labanan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at ng Moro Islamic Liberation Front bunsod na rin ng ginawang pamamaslang sa 14 na sundalo ng pamahalaan noon nakalipas na Hulyo 10.
Sinabi pa ni Almario na bukod sa paglala ng rebelyon at terorismo, tataas din ang insidente ng kahirapan sa rehiyon sakaling ituloy ng mga bansa at institusyon ang kanilang balakin na itigil ang ibinibigay na ayuda.(Butch Quejada)