Cover-up lamang umano ang balak na “pag-ampon” ng kanyang mga anak kay dating Manila Congressman Mark Jimenez para mapagtakpan ang multi-bilyong kaso na estafa na kanilang kinakaharap sa korte.
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Frank Chavez, abogado ni MJ, maituturing na “forum shopping” ang halos magkakahalintulad na kasong isinasampa sa korte ng mga anak ni MJ na aniya ay maliwanag uma nong para sa kanilang personal na interes.
Sa petition for guardianship, nais ng mga anak ni MJ na sila na ang mangalaga sa kanilang ama dahil ito umano ay may diprensiya sa pag-iisip.
Kaagad itong kinontra ni Atty. Chavez at idiniing nasa matinong pag-iisip ang kanyang kliyente at patunay dito ay ang patuloy nitong pagtulong sa mahihirap.
Ayon pa kay Chavez, pinag-iinteresan ng kanyang mga anak ang kayamanan ng kanilang ama dahil tutol sila sa pagtulong nito sa mga nangangailangan.
Matatandaang kinasuhan ng estafa ng dating kongresista ang kanyang mga anak na sina Virgilio, Marcel at Myla dahil sa umano’y pagsasabwatan sa pagkamkam sa kanyang kayamanan habang siya ay nakakulong sa Amerika. (Butch Quejada)