Nanindigan kahapon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang Jonas Burgos sa kanilang kustodiya kaya wala silang ilalabas.
Ito ang sagot ng AFP sa utos ng Korte Suprema na ilantad ang dinukot na aktibista na si Burgos.
“The AFP is always willing to comply with the orders of the court, AFP representative will respectfully appeals at the Court of Appeals and respectfully reiterate that we do not have Jonas in our custody and that we do not know about his whereabouts,” giit ni Public Information Office (PIO) Chief Lt. Col. Bartolome Bacarro.
Binigyang diin pa ni Bacarro na wala sa polisiya ng AFP ang mangidnap partikular na ng mga aktibista tulad ni Burgos.
Base raw sa mga hawak na dokumento ng militar, isa umanong aktibong kasapi ng New People’s Army si Burgos na pinasinungalingan naman ng ina nitong si Edita.
Nauna nang itinanggi ni ISAFP Chief Major Gen. Delfin Bangit na hindi sila ang sinasabing kumidnap sa batang Burgos na anak ng dating Malaya publisher at press freedom fighter na si Jose Burgos Jr. noong Abril 28 sa isang mall sa Quezon City.
Ang pagkakadawit ng ISAFP ay base sa pahayag sa media ng sinibak na si State Prosecutor Emmanuel Velasco kung saan binanggit nito ang mga ISAFP men na sina T/Sgt. Jason Roxas, Cpl. Maria Joanna Francisco at M/Sgt. Aaron Arroyo at isang “TL” na pawang konektado sa ISAFP; gayundin sina Lt. Col. Noel Clement, dating Commander ng 56th Infantry Battalion ng Army at tauhan nitong si 1st Lt. Jaime Mendaros.
Samantala, napunta kay CA 8th Division Senior Justice Rosalinda Asuncion-Vicente ang kaso ni Jonas. Alas-10 ng umaga bukas ay sisimulan ang pagdinig sa petition for habeas corpus na idinulog ni Mrs. Burgos alinsunod na rin sa kautusan ng SC 1st Division.