Siniguro kahapon ni Budget Secretary Rolando Andaya Jr. na maisusumite nila sa Kongreso ang 2008 proposed national budget na nagkakahalaga ng P1.227 trilyon sa darating na Agosto 22.
Sa mediabriefing, positibo sina Sec. Andaya at Finance Sec. Margarito Teves na bago ang Agosto 24 deadline na ibinigay ng Kongreso ay maisusumite nila ang 2008 proposed budget.
Naniniwala rin si Andaya na mayroong sapat na panahon ang Kongreso upang rebisahin at pag-aralan ang isusumite nilang 2008 budget upang mabilis naman itong maipasa ng Kamara at Senado.
Ang top 5 agencies na makakakuha ng mas malaking pondo sa susunod na taon ay ang DepEd, DPWH, Defense, DILG at Agriculture.
Nakapaloob din ang P30 bilyon para sa salary increase ng mga government workers at P2.6 bilyon para sa Comelec automation. (Rudy Andal)