Nagsagawa ng ibayong clearing operations ang mga kagawad ng Quezon City Police District-Traffic Enforcement Group sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at IBP Road bilang paghahanda sa malaking kilos-protesta na ilulunsad ng mga militanteng grupo.
Sinabi ni QCPD-TEG chief, Supt. Norberto Babagay na isinagawa ang clearing operations dakong alas-10 kagabi kung saan lilinisin ang kahabaan ng naturang mga kalsada sa mga iligal na istruktura sa gilid nito, mga iligal na nakaparadang sasakyan at iba pang mga harang.
Nagbabala naman si Babagay sa mga motorista na huwag magparada ng kanilang mga sasakyan sa gilid ng Commonwealth dahil sa hahatakin ito ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority na magsa sagawa rin ng magdamag na operasyon.
Dakong alas-8 naman ng umaga ay isasara ang north bound lane ng Commonwealth Avenue habang gagawin namang two-way lane ang south bound lane. Naglatag na rin ng mga alternate route ang QCPD-TEG habang pamamahalaan naman ng MMDA ang pag-aasikaso sa daloy ng trapiko sa mga itinalagang re-routing plan.
Inaasahan na aabot sa higit 10,000 mga raliyista ang dadagsa ngayon sa Commonwealth Avenue upang magprotesta kasabay ng pagbibigay ng State of the Nation Address ni Pangulong Arroyo.
Una nang nagsagawa ng parada ang mga militante sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan kung saan dumating kahapon ang mga magsasaka at manggagawa buhat sa Timog Katagalugan. Nag-umpisa ang pagbubuo ng puwersa ng mga militante sa Peoples Power Monument at nagmartsa sa tapat ng Kampo Aguinaldo kung saan nagsagawa ng kanilang programa.
Muli namang nagmartsa ang mga ito sa harap ng gusali ng Department of Interior and Local Government at dumiretso ng University of the Philippines kung saan magsasagawa ng magdamag na prayer vigil bago ang protesta sa SONA.
Partikular na tatalakayin ng mga militante ang patuloy pa ring kahirapan na nararanasan ng mga Pilipino sa kabila ng ipinagmamalaking paglago ng ekonomiya, walang humpay na extra-judicial killings at ang implementasyon ng kinatatakutan nilang anti-terror law. (Danilo Garcia)