Kinakabahan na umano si Speaker Jose de Venecia sa nalalapit na botohan sa speakership kaya nagpanukala ito na mag-term sharing na lang sila ni Cebu Rep. Pablo Garcia bilang speaker ng House of Representatives.
Binigyang-diin ni Manila Rep. Amado Bagatsing na lubhang nalug-mok ang House sa ilalim ng 12 taon ni de Venecia bilang speaker at tuluyan na itong mawawasak kung manunungkulan pa si de Venecia ng kahit 18 buwan lang sa ilalim ng kanyang proposal.
Inihayag ni Bagatsing na lalo pang lumakas ang clamor ng mga kongresista, lalo na sa hanay ng Kampi, Nationalist People’s Coalition, Nacionalista Party, Liberal Party, ilan mula sa Lakas, at mga oposisyon na idaan sa secret balloting ang pagpili ng House leaders.
Ipinunto pa ni Bagatsing na ang secret balloting ay ginagamit na sa Amerika, Canada, Australia at Inglatera, pati na sa Vatican sa pagpili ng Santo Papa, kung kaya walang basehan ang pagtutol ni de Venecia rito.
Ginawa niyang halimbawa ang Australian at iba pang parliamento na secret balloting ang ginagamit sa paghalal ng kanilang speakers. (Butch Quejada)