Inamin kahapon ni PNP Chief Director Gen. Oscar Calderon na maraming bulilyaso o butas ang Human Security Act of 2007 o ang kontrobersyal na anti-terror law kaya mahirap itong ipatupad.
Kabilang na umano dito ang pagbabayad ng P500,000 danyos kada araw na ipinababalikat sa mga law enforcement agency laban sa isang inarestong indibidwal na mapapatunayang hindi pala terorista.
Ayon kay Calderon, dapat ay ang Anti-Terrorism Council ang sumagot sa nasabing penalty at hindi ang law enforcement agency tulad ng PNP dahil baka maubusan sila ng pondo sa minsang pagkakamali.
Nangangamba rin si Police Regional Office (PRO) 3 Director Chief Supt. Ismael Rafanan na baka tumaas ang insidente ng extra judicial killing sa bansa dahilan umano sa posibleng kapalpakan sa anti-terror law.
Aniya, maging ang mga awtoridad ay kinakailangang makatiyak muna sa kanilang mga impormasyon upang hindi magkaroon ng mga paglabag sa karapa tang pantao sa pagpapatupad ng nasabing kontrobersyal na batas.
Kaugnay nito, tiniyak ni Calderon na hindi magkakaroon ng shortcut o pagmamadali sa implementasyon ng anti-terror law at igagalang ng pulisya ang karapatang pantao ng bawat indibidwal na kanilang aarestuhin. (Joy Cantos)