Hindi umano makatarungan na ma-stereotype ang Mindanao bilang lugar kung saan nagaganap ang election fraud.
Aminado si Presidential Political Adviser Gabriel Claudio na nagiging kakabit na ng Mindanao ang isyu ng dayaan tuwing eleksiyon kaya maituturing anyang oportunidad ang special elections upang mapatunayan na mali ang paratang na lugar ng dayaan ang Mindanao.
Nasa kamay na aniya ng mga mamamayan at mga lider ang paglilinis sa kanilang probinsiya upang hindi ito matawag na lugar ng dayaan.
Pero naniniwala si Tourism Sec. Ace Durano, spokesman ng Team Unity na ginagamit na lamang na scapegoat ng mga talunang kandidato ang isyu ng dayaan tuwing eleksiyon.
Dapat aniyang tumulong ang lahat upang malinis na ang electoral process ng bansa at maprotektahan ang boto ng mga mamamayan.
Hindi naman naniniwala si Chief President Legal Adviser Sergio Apostol sa alegasyon ni Sen. Aquilino Pimentel Jr. na sangkot sa dagdag bawas sina Atty. Rey Sumalipao, regional director ng ARMM at Remlane Tambuang, Region 11 Comelec director.
Posible umanong inuunahan lamang ni Pimentel ang napipintong pagkatalo ng anak nitong si Koko, senatorial candidate ng GO, sa Mindanao upang hindi sila mapahiya. (Malou Escudero)