Iprinoklama na kagabi bilang bagong halal na gobernador ng Pampanga ang paring katolikong si Fr. Ed Panlilio.
Ginawa ang proklamasyon kasunod ng pangunguna niya sa bilangan ng mga boto para sa mga kandidatong gobernador ng lalawigan sa katatapos na halalan.
Nangibabaw ang mga boto ni Panlilio laban sa mga mas kilalang personalidad sa pulitika sa Pampanga tulad ni incumbent Governor Mark Lapid at provincial board member Lilia Pineda.
Sa pinal at opisyal na pagbibilang ng provincial board of canvassers, nakakuha si Panlilio ng 219,703 boto. Sumunod sa kanya si Pineda sa botong 218,559 at Lapid sa botong 210,875.
Naunang ipinahayag ni Panlilio na ipinasya niyang banggain ang mga malalaking pulitiko sa Pampanga para sugpuin ang mga katiwalian at ang jueteng sa lalawigan.
Nagsampa siya ng leave of absence sa simbahan nang magsumite siya ng certificate of candidacy sa Commission on Elections.
Ang pagbabakasyon niya sa kanyang bokasyon ay hindi nakapigil sa kanyang mga kritiko na magpakalat ng paninira laban sa kanya tulad ng pagkakaroon umano niya ng kalaguyo at anak. Kanya naman itong pinabulaanan.