Iimbestigahan ng Commission on Elections (Comelec) ang naiulat na iregularidad sa Maguindanao kung saan naka-12-0 ang Team Unity sa senatorial race.
“This is the first time I’ve heard of this so we will have to look at it,”pahayag ni Commissioner Rene Sarmiento.
Sa isang ambush interview sa Philippine International Convention Center (PICC), sinabi ni Sarmiento na kanilang tututukan ang nasabing “straight Magic 12” ng TU.
Una umanong ipatatawag ang mga election officers upang matukoy kung mayroon itong nalalaman o napansing mga iregularidad mula sa botohan hanggang sa canvassing ng mga boto sa municipal level.
Base sa Maguindanao tally, wala kahit na isang Genuine Opposition candidate na nakapasok sa Magic 12 kung saan ang GO ang siyang may pinakamababang boto na nakuha sa 27 lalawigan sa Maguindanao, na may kabuuang 336,000 registered voters.
Sa naturang tally, si Ilocos Sur Governor at TU senatorial candidate Chavit Singson ang nakakuha ng pinakamataas na botong 87,954 na sinundan ni Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay na may 87, 400 votes.
Sa panig naman ni National Movement for Free Elections (Namfrel) provincial chair Hadj Abdullah Dalidig, sinabi nito na may naganap na dayaan sa botohan sa Mindanao kung saan patunay dito ang paglobo ng bilang ng mga botante, simula sa 275, 572 registered voters noong 2004 ay umakyat ito ng 396, 772 o 43%.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Commissioner Florentino Tuason ang akusasyon na lumobo ang listahan ng mga registered voters sa Mindanao.
“Unless we see the document all these allegations should be based on hearsays,” pahayag ni Tuason.
Tiniyak pa rin ni Tuason na kanilang susuriin ng mabuti ang certificate of canvass (COC) sa Maguindanao sa oras na dumating ito sa Maynila para sa National Canvassing.