Nagpahayag ngayon ng kumpiyansa ang mga mambabatas ng administrasyon na unti-unting mamamayani ang mga kandidato sa pagka-senador ng Team Unity sa eleksyon batay na rin sa pinakahuling resulta ng bilangan ng boto.
Tinukoy nina Reps. Edwin Uy at Eduardo Veloso ang pinakahuling resulta ng “poll counting” ng National Movement for Free Elections (Namfrel) na nagpapakitang apat na kandidato ng TU ang pasok sa Magic 12 kumpara sa dalawa noong magsimulang magbilang ang Namfrel, madaling-araw ng Martes. Ang apat ay sina Edgardo Angara, Joker Arroyo, Miguel Zubiri at Ralph Recto.
Inihayag ni Uy, Lakas co-chair para sa Cagayan Valley Region, na noong simula ng Namfrel count, ang tala ay 8-2-2 pabor sa oposisyon ngunit ito’y naging 6-4-2 na base sa Namfrel poll alas-7 ng umaga at alas-11 ng umaga ng Miyerkules.
Ang malaking pagbabago sa posisyon ng TU ay bunsod ng pagdating ng “command votes” mula sa mga balwarte ng administrasyon, ayon kina Uy at Veloso. (Butch Quejada)