Nabigo si GO senatorial candidate Alan Peter Cayetano na makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema kaugnay sa naging resolusyon ng Commission on Elections (Comelec) na ituring na “stray votes” ang botong Cayetano.
Sa halip, iniutos na lamang ng SC sa Comelec at kay Joselito “Peter” Cayetano na senatorial candidate ng KBL na magsumite ng kanilang komento sa loob ng 10 araw hinggil sa petisyon ni Alan Cayetano.
Magugunita na naghain ng petisyon si Alan Cayetano kamakalawa upang kuwestyunin ang naging desisyon ng Comelec na huwag bilangin ang mga botong Cayetano at Peter Cayetano sa kabila ng ginawang disqualification nito kay Joselito “Peter” Cayetano sa senatorial race. (Rudy Andal)
Jett Reyes, umaarangkada
Nangunguna si Jett Reyes (KAMPI) batay sa partial, unofficial counts ng mga kandidato para congressman sa pangalawang distrito ng Taguig. Pumapangalawa naman si Jun Duenas (Lakas) at pangatlo si Art Alit. Ang naunang resulta batay sa nabilang ng boto sa 480 presinto (Taguig National High School, Signal Village National High School, EMS Elementary School, Technological University of the Philippines, Tenement Elementary School, Western Bicutan National High School, Tenement Annex) sa kabuuang 740 presinto ay ang sumusunod: Jett Reyes - 18,018; Jun Duenas - 16,583; Art Alit - 11,006.