Ayon kay Ricardo Najera, tagapagsalita ng Koalisyon ng Mamamayan Para Boykotin ang Senado(KMBS), maraming grupo ang sumali sa kanilang panawagan sa mga botante na gamitin na lang ang kanilang karapatang bumoto ng mga kongresista, gobernador, mayor at iba pang lokal na opisyal. Dumami anya ang grupong lumahok sa naturang panawagan para maisalba ang pagkawasak ng pulitika sa bansa.
Sumang-ayon ang mga grupong ito na ang mataas na kapulungan ng Kongreso ay gagamitin lang ng mahahalal na mga senador bilang lunsaran ng kanilang hangaring pulitikal sa 2010.
Kabilang sa may 13 grupong sumama sa panawagan ng KMPBS batay sa pinirmahang manifesto ng kani-kanilang kinatawan ang mga samahan ng kababaihan, homeowners, computer technologists at kooperatiba.
Pinuna ng grupo ni Najera na nagiging "Debating Club" lang ang Senado na walang ibang ginawa kundi mag-akusa at maghasik ng pagkamuhi sa halip na gumawa ng batas na makakapagpabuti sa kapakanan ng bayan.
Nagpahayag din ng paniniwala ang grupo na ang mga kandidato ng oposisyon at administrasyon na tumatakbo ngayon ay may kanya-kanyang personal na interes at hindi para sa kapakanan ng publiko.
Dismayado umano ang publiko dahil walang nararapat at walang mapili para ihalal sa puwesto.