Inaasahang pakakainin ng alikabok nina Tinga, Vice Mayor George Elias, congressional candidates Arnel Cerafica ng District 1 at Henry Ñunâ Duenas ng District 2 at mga konsehales ang kanilang mga kalaban sa May 14 elections dahil sa kawalan ng mga ito ng konkretong plataporma.
Sa kawalan ng matibay na isyu, naglunsad ng black propaganda campaign ang mga kalaban nina Tinga at nagpapalabas ng mga kasinungalingan sa hangaring bilugin ang isip ng mga botante sa Taguig at sirain ang reputasyon ng kasalukuyang administrasyon.
Sa ilang lumabas na ulat, kinuwestiyon at pinagpapaliwanag ni dating Konsehal Noel Dizon sina Tinga kung saan napunta ang umano’y P112-M na inutang nito sa bangko na ipinahiwatig nitong ginamit ng alkalde sa kampanya.
Nang beripikahin, lumitaw na ang loan ay ginawa ng pamahalaang lokal upang gamitin sa 10-taong Solid Waste Management Plan. Bagamat aprubado na ang loan, ipambabayad lamang ang pera kapag nakalatag na ang programa para sa paglipat sa makabagong teknolohiya ng solid waste management sa lungsod.
Binatikos ni outgoing Councilor Glen San Pedro si Dizon na umano’y ginagamit ng mga kalaban ni Mayor Tinga upang siraan ang magagandang programa ng pamahalaang lungsod.
Inakusahan din ni Dizon ang administrasyong Tinga ukol sa isa pang inutang na P600-M para sa pabahay na lumilitaw na gawa-gawa rin nito.
Bunga ng paninira laban kina Tinga, lalong namamayagpag ang line-up nina Tinga at inaasahang magkakaroon ng "sweep" ang partido ng alkalde sa eleksiyon.