Sinabi ng Mataas na Hukuman sa tatlong-pahinang resolusyon na hindi nakapagharap si Ocampo ng sapat na basehan para ilipat sa kalakhang Maynila mula sa Leyte ang paglilitis.
Sinabi pa ng Mataas na Hukuman na sa malalaking kaso na tulad ng kay Ocampo, natural lang na magkakaroon ng malubhang pagbabanta sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya pero kailangang isaalang-alang ang kalagayan ng pamilya ng mga biktima na dadalo sa paglilitis.
Inaresto noong nakaraang buwan si Ocampo kaugnay ng pagkakasangkot niya sa pagpaslang sa mga tumiwalag na rebeldeng New People’s Army sa Leyte noong 1980s. Pero pinayagan siya ng korte na makalaya pansamantala sa pamamagitan ng piyansa.
Bukod pa rito, sinabi ng SC na dapat lang talagang asahan ni Ocampo na magkakaroon ng tension sa mga pagdinig sa korte.
Naunang iginiit ni Ocampo na ilipat ang paglilitis dahil anya mapanganib sa kanya at sa kanyang pamilya ang Hilongos, Leyte. (Rudy Andal)