Kinilala ang mga biktimang sina Delfin Mallari, 47, provincial correspondent ng Philippine Daily Inquirer at Johnny Glorioso, 61, reporter ng radio station dzMM ng ABS-CBN TV network.
Si Mallari ay nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa tagiliran at idineklarang ligtas sa Medical Mission Group Hospital sa Lucena City samantalang sa kamay lamang nagalusan si Glorioso.
Sa ulat ni P/Supt. Nelson Lequin, hepe ng pulisya sa Lucena City, lulan ng Honda Civic (TSF-235) sina Mallari at Glorioso patungo sa radio station dwTI para mag-programa nang biglang lumapit ang dalawang di-kilalang lalaki na sakay ng pulang Yamaha at agad na pinapu tukan ang dalawa.
Sa salaysay ni Glorioso sa PSN, nilagpasan sila ng mga suspek pagdating sa tapat ng Quezon Metropolitan Water District, ilang metro na lang ang layo sa kanilang radio station saka binaril ng dalawang beses si Mallari.
"Nagulat na lang ako ng may pumutok na dalawang beses at biglang sumigaw si Mallari na may tama raw sya," kwento ni Glorioso habang kitang-kita n’ya ang suspek na nagsusukbit pa ng baril sa kanyang holster bago tumakas sa di-malamang direksyon.
Sina Mallari at Glorioso ay magka-tandem sa hard hitting radio program na JS Files na napapakinggan araw-araw tuwing alas-8 ng umaga at co-publishers ng local weekly paper na "Ang Dyaryo Natin."
May hinala ang dalawa na may kinalaman ang tangkang pagpatay sa kanila sa kanilang pagkokomentaryo laban sa mga tiwaling pulitiko sa kanilang lalawigan, pero tumanggi itong pangalanan.
Ang ambush kina Mallari at Glorioso ay naganap isang araw matapos matagpuang patay ang isang reporter ng dzRB Radio ng Bayan na si Mark Palacio sa bayan naman ng Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Ipinag-utos na ni P/Chief Supt. Nicasio Radovan Jr., Region 4 police director, ang malalimang imbestigasyon sa tangkang paglikida sa dalawa.