Sa sinumpaang salaysay ni Julie Flores Sinohin, sinabi nito na kaya niyang patunayan na tatlong partylist ang front ng CPP-NPA.
Si Sinohin ay isa mga kinasuhan sa Nueva Ecija Provincial Prosecutors Office noong Disyembre 2006 matapos umanong patayin ang mga kasamahang sina Danilo Felipe at Carlito Bayudang na dating mga NPA members at naging aktibong miyembro ng AKBAYAN.
Ang pamamaslang aniya ay bunsod na rin ng utos nina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, Gabriela Rep. Liza Maza, Bayan Muna Rep. Teddy Casino at Anakpawis Rep. Rafael Mariano. Ang ikatlong pinatay ni Sinohin ay si Jimmy Peralta na napagkamalang si Ricardo Peralta na miyembro naman ng AKBAYAN.
Ayon kay Sinohin, sinabihan siya ng "good work" ni Ocampo matapos niyang isagawa ang pamamaslang sa mga asawa nina Isabelita Bayudang at Madelyn Flores kung kaya’t nararapat lamang pagbayarin si Ocampo sa kanyang mga kasalanan. Aniya, guilty si Ocampo kaya’t dapat lamang na manaig ang hustisya at hindi awa rito.
Hinamon din ng dalawang biyuda si Ocampo na patunayan ang kaso laban sa kanya at huwag magbitaw ng salita na pakawala sila ng gobyerno. "Patunayan nila na hindi sila ang pumatay sa aming mga asawa," anang mga biyuda.
Matatandaan na nagsampa din ng disqualification case sina Bayudang at Felipe laban sa Bayan Muna, Gabriela at Anakpawis dahil sa pagiging front umano ng mga ito ng CPP-NPA at wala umanong karapatang magsilbing kinatawan.
Samantala, inaasahan din ang paglitaw nina Jose Avila Princillo na nagsabing ni-recruit siya ng Bayan Muna upang sumapi sa NPA at si Cleotilde Peralta Aguilar na ginamit umano nina Ocampo, Maza, Casino at Mariano ang kanyang bahay upang talakayin ang paglikida sa mga dating miyembro ng NPA na sina Felipe at Bayudang.