‘Walang aatras sa Team Unity!’

Pinabulaanan kahapon ni Tourism Secretary Ace Durano, spokesman ng Team Unity, na tatlo sa kanilang kandidato sa pagka-senador ang nagbabalak nang umatras.

Sinabi ni Durano na naniniwala siyang seryoso ang kanilang mga senatorial candidates at walang dahilan upang iurong ang kanilang kandidatura.

Ginawa ni Durano ang reaksiyon dahil sa ulat na may mga kandidato ang TU at Genuine Opposition (GO) na nag-iisip umatras upang tumakbo na lamang sa local na eleksiyon.

Kabilang umano sa nais umatras upang tumakbo na lang sa mas mababang posisyon sina GO candidates Sonia Roco at dating Sen. Anna Dominique Coseteng at TU bets Cesar Montano, Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson at dating Sen. Tessie Oreta.

Sa magkakahiwalay na panayam sinabi nina Montano, Singson, at Oreta na wala silang balak na iatras ang kanilang kandidatura.

Ayon kay Montano, hindi niya alam kung saan nagmumula ang nasabing balita at ilang beses na umano niya itong binabulaanan.

Naniniwala naman si Singson na mananalo ang mga kandidato ng TU sa eleksiyon kaya walang dahilan upang iatras ang kanilang kandidatura.

Sinabi naman ni Frank Abalos, chief-of-staff (COS) ni Oreta na "there is no turning back from the race" at mas lalo umanong ginaganahan ngayong mangampanya ang dating senadora matapos magpalabas ng public apology kaugnay sa dancing queen issue. (Malou Escude ro)

Show comments