Ito ang napagkasunduan ng Vice Governors’ League of the Philippines sa isang caucus sa Malakanyang.
Idineklara ng VGLP sa kanilang resolusyong iprinisinta sa Pangulo ang kanilang di-mapapantayang suporta sa Team Unity para matamo ang matinding samahan ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaan.
Kabilang sa mga dumalo sa caucus sina Julius Herrera ng Bohol, pambansang pangulo ng VGLP; Oscar Lambino ng Pangasinan, secretary-general at Robert Armada ng Iloilo.
Sa ilalim ng Arroyo administration, ayon sa liga, ang bansa ay kasalukuyang tumatahak sa isang di pangkaraniwang economic growth na nangangailangan ng katuwang sa Kongreso upang maabot ang minimithing "8 by ’08" agenda ng Pangulo para sa pagbabago at pag-unlad ng bansa.
Idiniin ni Herrera na malaking tulong sa mabuting pamumuhay ng mga Pilipino ang mga kaunlarang pangkabuhayang nagawa ng administrasyong Arroyo kaya dapat itong magpatuloy sa tulong ng mga kaalyado nito sa Kongreso.
Idinagdag naman ni Lambino na ang Senado ay dapat maging kabalikat sa halip na maging balakid sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng bansa.