Matapos ang halos 4-oras na masinsinang talakayan at dayalogo na ginanap sa CGFNS headquarters sa Philadelhia, Pennsylvania, pinandigan ng CGFNS na tanging ang mga nag-retake lang ng test 3 at 5 ng June 2006 Nursing Licensure Exam ang magkakaroon ng pagkakataon na makapagtrabaho sa Amerika.
Tinanggap rin ng Task Force na pinamumunuan ni Bacolod Rep. Monico Puentevella ang katotohanan na pinal na ang desisyon ng CGFNS at walang apela na makapagbabago rito.
Aminado si Puentevella na suntok sa buwan talaga ang pagpunta nila sa US. Gayunman, kinailangan umano nilang magbakasakali alang-alang sa 17,000 Pinoy nurses na umaasa pang mapagbibigyan ng CGFNS.
Kasunod nito, sinigurado ng Malacañang na sasagutin ng gobyerno ang P900 examination fee ng mga nais mag-retake, pero nilinaw ni Executive Secretary Eduardo Ermita na boluntaryo at hindi naman kailangang mag-retake ang mga nakapasa na wala namang balak magtungo sa Amerika.
Ang DOLE ang mag-a-administer ng kontrobersiyal na test 3 at 5. (Butch Quejada/Malou Escudero)