Asukal vs diabetes nadiskubre

Isang uri ng asukal na kontra sa sakit na diabetes ang natuklasan sa bansa.

Ayon kay Philippine Coconut Authority (PCA) Administrator Oscar G. Garin, ang naturang kakaibang uri ng asukal ay mula sa sabaw ng buko na maaring magamit ng kahit sinumang indibidwal na may diabetes.

Anya, base sa pag-aaral ni Dr. Trinidad P. Trinidad, scientist II ng Food and Nutrition and Research Institute Department ng Department of Science and Technology (DOST), ang ‘glycemic index’ ng asukal ay nagtataglay ng GI 35 na ligtas umano sa katawan ng tao.

Ang GI anya ay tugon ng glucose sa mga pagkain na may kaugnayan sa itinakdang glucose solution.

Mas mababang GI na pagkain, mas nakakatulong sa pagkontrol ng pangangalaga sa diabetes mellitus at nagpapakita ng mababang LDL cholestrol.

Malaking tulong din umano ito sa pangangalaga ng bigat ng timbang ng bawat tao na nagreresulta ng pag-iwas sa sobrang taba, overweight o obesity.

Ipinaliwanag pa ni Garin na ang coconut sugar ay nakukuha sa pamamagitan ng masusing pagpapakulo nito bago palalamigin at hayaang maging solid.

Dahil dito maliban sa nakukuhang sabaw ng buko, kapag pinakuluan ito ay magiging lambanog at kapag isinailalim sa preparasyon ng ‘fermentation’ ay magiging suka. Sakali namang lutuin, ito’y magiging asukal. (Angie dela Cruz)

Show comments