Sinabi ni Custodio na karapatan naman ng sinuman na kumandidato kabilang na si Pacquiao.
Nauna rito, inihayag ni Pacquiao na kakandidato ito bilang kinatawan ng unang distrito ng South Cotabato kung saan nasa ikalawang termino na si Custodio.
Ayon pa kay Custodio, mga mamamayan naman ng kanilang distrito ang mamimili kung sino ang gusto nilang kinatawan sa Kongreso.
“Lahat po ng Pilipino ay may karapatan magpapili bilang kinatawan nila sa Kamara de Representantes. At nasa tao naman ang karapatan na pumili ng kanilang gustong manilbihan at mag-representa sa kanila. Ang boses at kagustuhan nila ay dapat respetuhin at dapat pairalin,†ani Antonino-Custodio.
Nagdesisyon na umano si Pacquiao na tumakbo na lamang na congressman sa halip na labanan ang ninong sa kasal na si General Santos City Mayor Pedro Acharon.
Pero naniniwala si Citizens Battle Against Corruption Rep. Joel Villanueva na mas makakabuti pa rin kay Pacquiao kung iiwas ito sa pulitika. Hindi anya para kay Pacquiao ang pulitika.
“Si Manny mismo ang nagsabi na tutol ang mga tagahanga niya na pasukin niya ang pulitika. Sana kung sinuman ang nagtulak sa kanya ay maging pangunahin sa kanila ang kapakanan ni Manny at ng General Santos City dahil kung hindi, malaking kataksilan sa mga fans ni Manny at sa buong South Cotabato at General Santos City ito,†pahayag ni Villanueva. (Malou Escudero)