Naitala ng survey na "pulling away" si Legarda sa ibang senatorial aspirant na nakakuha ng 46.6 porsiyentong ratings, mahigit 10 porsiyentong puntos na pinakamalapit na katunggali nito.
"Ikinokonsiderang sure winner na si Legarda kung gaganapin ang halalan ngayon dahil sa kanyang statistical ranking na kumakatawan mula una hanggang ika-11 puwesto na malinaw na nakapaloob sa sirkulo ng mananalo," paliwanag ng Pulse Asia.
Isa si Legarda sa pitong opisyal na kalahok sa tiket na United Opposition (UNO) na isasabak sa halalan sa Mayo.
Pinamagatang "Senatorial Voting Preference," isinagawa ang naturang survey noong Enero 25-29 at gumamit ng multi-stage probability sample na 1,200 respondents na may edad mula 18 pataas.
Malayong-malayo naman sina Senador Panfilo "Ping" Lacson at Francis "Kiko" Pangilinan na kapwa nakapagtala ng 34.6 porsiyento sa ikalawang puwesto. Sinundan sila ni Taguig - Pateros Rep. Alan Peter Cayetano (31.7%) at dating Senador Vicente "Tito" Sotto III (28.8%).
Sinabi pa ng Pulse Asia na palaging inililista ang pangalan ni Loren sa unang walong kandidatong napipili ng respondent. Ganito din umano ang datos sa isinagawang November 2006 Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia.
Kahapon ay naghain na rin ng certificate of candidacy (COC) si Legarda.
Nilinaw din ni Legarda na dahil sa consistent ang kanyang pagiging no.1 sa survey kaya ito ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob tumakbong senador. (Malou Escudero/Gemma Amargo-Garcia)