Generals sa killings uusigin! — GMA

Tiniyak ng Malacañang na mananagot sa batas ang mga generals na dawit sa extra-judicial killings kabilang na si retired Maj. Gen. Jovito Palparan.

Ang pahayag ay matapos matanggap ni Pangulong Arroyo ang 89-pahinang report ng Melo Commission na pinamumunuan ni retired SC Justice Jose Melo, kung saan isa si Palparan sa mga nabanggit ng komisyon na may pananagutan sa extra-judicial killings sa bansa kasama ang ilan pang military commander.

Sinasabing si Palparan ang berdugo ng mga militante dahil kahit saan umano ito ma-assign ay maraming militante ang namamatay.

Tinukoy sa Melo report na mayroong naganap na mga pagpatay sa bansa na kagagawan ng militar, mga pulitiko at ang iba ay gawa ng mga maka-kaliwa.

Hinamon naman kahapon ng ilang militanteng mambabatas si Pangulong Arroyo na ipaaresto at sampahan ng kaso ang nasabing heneral.

Duda si Anakpawis Rep. Crispin Beltran kung aaksiyon si Arroyo sa rekomendasyon ng Melo Commission na sampahan ng kaso si Palparan at iba pang commander ng militar.

Ipinaalala ni Beltran na pinuri at pinarangalan pa ni Arroyo si Palparan sa kabila ng pagkakasangkot nito sa iba’t ibang kaso ng pagpatay ng mga miyembro ng militanteng grupo.

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Teddy Casino, hindi lamang si Palparan ang dapat managot sa krimen kung command responsibility ang pag-uusapan.

Si Arroyo aniya ang maituturing na boss ni Palparan bilang commander-in-chief kaya may pananagutan ito sa political killings na kinasasangkutan ng kanyang tauhan.

Dapat anyang mabigyan ng katarungan ang mga naging biktima ng political killings sa bansa dahil mababalewala ang findings ng komisyon kung hindi mapaparusahan si Palparan. (Lilia Tolentino At Malou Escudero)

Show comments