Sinabi ni Sen. Revilla, napagkasunduan ng pamilya Revilla na paatrasin na lamang sa pagtakbo sa pagiging board member ang kanyang kapatid na si Marlon at ang kanyang anak na si Bryan para sa konsehal ng Bacoor para bigyang-daan si Strike na kumandidato bilang alkalde ng Bacoor sa ilalim ng partidong KAMPI.
Ayon kay Revilla, pumayag naman si Cavite Gov. Ireneo "Ayong" Maliksi sa napagkasunduan ng pamilya Revilla na tanging si Strike na lamang ang tatakbo sa darating na eleksyon.
Siniguro naman ni Gov. Maliksi na kung sakaling magdesisyon si Bacoor Mayor Jessie Castillo na patakbuhin pa rin ang maybahay nito sa darating na mayoralty race ay wala siyang papanigan sa dalawang kandidato.
Sinabi naman ni Strike, nagprotesta ang kanyang libo-libong mga supporters ng malaman na hindi na siya tatakbo bilang alkalde sa darating na eleksyon kaya nagpulong ang kanilang pamilya hanggang sa mapagkasunduan na tumakbo na siya bilang mayor ng Bacoor habang pinaatras naman sina Marlon at Bryan.
Magugunita na nagkasundo ang pamilya Revilla, Maliksi at Remulla na magkaroon na lamang sila ng unity ticket sa darating na eleksyon upang maiwasan na ang pagkakahati-hati ng Cavite dahil lamang sa pulitika.
Wala nang itatapat ang Revilla at Remulla clan laban kay Maliksi sa gubernatorial race habang napagkasunduan din na walang itatapat na kandidato laban kina Rep. Crispin Remulla at Rep. Gilbert Remulla sa darating na halalan. (Rudy Andal)