Asistio bros. ‘talu-talo’ sa election sa Caloocan

Magiging mainit ang darating na halalan sa Caloocan City dahil sa isa sa mga magtatapat at maglalaban sa pagka-alkalde ay ang magkapatid na Asistio.

Kapwa nagdeklara na ng kandidatura ang magkapatid na sina dating Caloocan City Mayor Macario "Boy" Asistio at Caloocan 2nd district Rep. Luis " Baby" Asistio.

Magiging tandem umano ni Boy si Nadia Montenegro at Bebong Munoz sa District 1 at 2 habang si Baby (Asistio) ay makakasama sa tiket nina dating Congressman Egay Erice at Oscar Malapitan sa pagka-kongresista ng dalawang nabanggit na distrito.

Magiging katunggali ng Asistio brothers sina incumbent Mayor Recom Echiverri at dating Caloocan Mayor Reynaldo Malonzo.

Kaugnay nito, binira ni Boy Asistio ang "Grand Caloocan Coalition" na binuo ng kanyang kapatid na si Baby Asistio dahil pagsasabungin lamang umano nito ang kanilang angkan. Ayon sa dating alkalde, hahatiin lamang ng coalition ang mga Asistio dahil naitsa-pwera dito ang kanilang mga tunay na kaalyado tulad ng kamag-anak nilang si Bebong Muñoz at asawa niyang si Nadia.

Sinabi ni Asistio na wala namang silbi ang binuong koalisyon ng kanyang kapatid at ng iba pa nitong kasamahan na kinabibilangan nina 1st District Congressman Oscar "Oca" Malapitan at Vice-Mayor Luis "Tito" Varela dahil nagdulot lamang ito ng samaan ng loob sa mga Asistio.

Aniya, ang Grand Caloocan Coalition ay isa lamang palamuti sa nalalapit na eleksiyon dahil lolokohin lamang ng mga kasama nito ang mga botante at ang buong mamamayan ng lungsod. (Ellen Fernando)

Show comments