Ito ang isinalaysay kahapon sa kaniyang pagharap sa mediamen ni Army Sgt. Raul Suacillo na siyang tumutok ng M14 rifle at bumaril sa tinaguriang architect ng terror attack tulad ng pambobomba ng Abu Sayyaf .
Si Suacillo ay kabilang sa mahigit 70 sundalo na pinarangalan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Miyerkules ng gabi sa dinner sa Palasyo ng Malacañang at itinaas sa ranggong Army Staff Sergeant matapos na mapaslang si Solaiman.
Nabatid na si Solaiman ay may patong sa ulong $5-M o P250-M para sa sinumang makapagtuturo sa ikadarakip nito buhay man o patay.
Isinalaysay ni Suacillo na nakorner niya si Solaiman matapos na humiwalay ito sa kaniyang mga bodyguard pero habang sinisikap tumakas ay sumigaw ng Allahu Akbar (Allah is great) na siyang tinaguriang battle cry ng mga bandido para magpasaklolo sa kanilang mga kasamahan kapag may nakitang kalabang sundalo.
"He looked shocked and scared," pahayag ni Suacillo sa nasorpresang reaksyon ni Solaiman bagaman ng maganap ang komprontasyon nito sa tinaguriang Engineer ng Abu Sayyaf ay hindi niya batid na ito ang wanted na Abu Sayyaf top leader .
Ayon pa kay Suacillo sinikap niyang arestuhn si Solaiman subalit akmang tatakbo ito para damputin ang kaniyang armas kaya napilitan siyang barilin ang naturang lider ng mga bandido na nahulog sa bangin matapos masapul ng tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan.
Bagamat narekober ang bangkay nito ay hindi agad nila ito nakilala dahilan sa nababalutan ng putik at dugo ang mukha ni Solaiman.
Magugunita na si Solaiman ay napaslang sa pakikipag-engkuwentro sa tropa ng Armys 8th Special Forces Company (SFC) na pinamumunuan ni 1st Lt. Almirante Mijares sa ilalim ng 3rd Special Forces Battalion (SFB) sa mahigit 30 minutong bakbakan sa may 60 bandido sa Mt. Bud Dajo, Talipao, Sulu noong nakalipas na Enero 16 na ikinasugat rin ng dalawang sundalo. (Joy Cantos )