Mariing itinanggi ni Executive Secretary Eduardo Ermita ang paratang ng kampo ni Erap na mayroong kasunduan si Mrs. Arroyo at si Atong Ang kaya biglang idiin nito si Estrada sa pagtanggap sa tobacco excise tax.
Itinanggi na rin ni Atong ang nauna niyang testimonya sa senate blue ribbon committee noong Oktubre 2000 kung saan ay pinabubulaanan niya ang akusasyon ni Ilocos Sur Gov. Luis Chavit Singson na nagsabwatan sila ni Erap para sa tobacco excise tax.
Ayon kay Sec. Ermita, wala siyang partikular na impormasyon na ang Malacañang ang nasa likod ng pagpapabalik kay Atong para gamitin ang testimonya nito laban kay Estrada.
Aniya, mayroong plunder case din si Ang kaya ang panig ng prosecution ang nagsisikap na pauwiin si Atong sa bansa para mapalakas ang kaso.
Malaki ang paniniwala ng kampo ni Erap na kaya biglang idiniin ni Atong ang dating Pangulo sa Sandigan ay dahil sa alok na pagpapababa ng sentensiya dito hanggang sa posibleng pagpapatawad kapalit ng testimonya nito laban kay Erap.
Tumanggi namang magbigay ng opinyon si Ermita kung napalakas ba ang kaso laban kay Erap dahil sa pagdiin dito ni Ang.